Ang Pagsimula ng isang Sistema para sa Pagbabayad ng Suweldo

Ang pamamahala para sa pagbabayad ng suweldo ay isang mahalagang bahagi ng pamamahala ng negosyo. Ang isang plano para sa pagbabayad ng suweldo ay isang istruktura ng mga antas ng pagbabayad na tutulong sa pagtatakda ng halaga na ibinabayad para sa bawat posisyon sa trabaho sa iyong negosyo. Ang isang pormal na sistema ng pamamahala para sa pagbabayad, o isang plano para sa pagbabayad ng suweldo, ay makakatulong sa inyo sa pamamahala ng mga gastos sa mga empleyado, makaragdag sa kalagayan ng mga empleyado, at bawasan ang pagkuha at pagsisante ng mga empleyado.

Paano Makakatulong Sa Inyo Ang isang Plano para sa Pagbabayad ng Suweldo?

Ang isang plano para sa pagbabayad ng suweldo ay tutulong sa iyo na pamahalaan ang iyong mga empleyado at palakarin ang iyong negosyo. Ito ay tutulong sa iyo na:

  • Mag-recruit
    Ang mga iba't-ibang laki ng suweldo ay nagbibigay ng mga kompetitibong hiring rates na maaaring makaakit ng mga bagong empleyado
  • Magpanatili ng mga Empleyado
    Ang mga performance plan at mga pagtaas ng suweldo ay maaring magpahusay ng performance ng empleyado sa trabaho at ng pagdibelop ng karera
  • Magbigay-motibasyon
    Nagbibigay ang mga plano para sa pagbabayad ng suweldo ng incentives sa mga empleyado na humanap ng mga oportunidad o umasenso sa loob ng kompanya

Ang isang pormal na sistema para sa pagbabayad ng suweldo ay tutulong din sa iyo na siguraduhing kinokoleta ang mga buwis ng pamahalaan at mga pagbabawas na may kinalaman sa trabaho.

Pagdibelop at Paglagay ng isang Plano sa Lugar

Ang pagdibelop ng pormal na plano para sa pagbabayad ng suweldo ay hindi dapat magastos at hindi dapat matagalán. Ang isa sa mga pinakamahalagang bagay na tandaan kapag nagdidibelop ng iyong plan ay ang matanggap, maunawaan, at suportahan ito ng iyong mga empleyado.

Para simulan ang isang plano para sa pagbabayad, kailangan ninyong:

  1. Ipaliwanag ang mga posisyon
  2. Tasahin ang mga trabaho
  3. Ipaliwanag ang halaga ng mga trabaho
  4. Isagawa ang plano
  5. Ipaalam ang plano sa mga empleyado
  6. Magkaroon ng pagtatasa para sa kagagawan ng mga empleyado

Ika-1 Hakbang: Ilarawan ang mga Posisyon

Kailangan ninyo munang gumawa ng paglalarawan ng trabaho para sa bawa't posisyon. Maaaring kayo ang susulat ng mga paglalarawan o maaari ninyong hilingin ang mga empleyado na ilarawan ang kanilang mga trabaho.

Karaniwang kasama ang mga sumusunod sa paglalarawan ng trabaho:

  • Titulo ng trabaho
  • Kanino nagrereport
  • Mga responsibilidad tulad ng mga sariling tungkulin
  • Mga kinakailangan tulad ng pormal na edukasyon, pagsasanay, karanasan, o mga 'di-karaniwang kondisyon sa trabaho

Oras na nakompleto ito, ang mga paglalarawan sa trabaho ay maaari ring gamitin para:

  • Ang pagkuha at pagsasanay sa mga empleyado
  • Ibagay ang mga tungkulin sa organisasyon
  • Sumunod sa iba't-ibang mga gawain sa trabaho at mga batas tungkol sa antas ng suweldo
  • Asesuhin ang job performance batay sa mga itinakdang tungkulin

Ika-2 Hakbang: Tasahin ang mga Trabaho

Ang isang mabuting paraan ng pag-aseso para sa mga negosyong may 100 o mas kaunting mga empleyado ay ang isang karaniwang sistema ng pagrangko. Kapag ginagamit ang ganitong uri ng sistema, pinaghahambing ang mga job description at niraranggo ang mga ito alinsunod sa kahirapan at responsibilidad.

Pagkatapos mo bigyan ng ranggo ang mga job description, igrupo sa parehong pay grade ang mga trabaho na magkatulad ang lawak at responsibilidad. Pagkatapos ay maaari mong ayusin ang mga grupong ito sa iba't-ibang mga pay level, mula pinakamataas hanggang sa pinakamababa.

Ang bilang ng mga pay level ay depende sa kabuuang bilang ng mga trabaho at mga uri ng trabaho sa iyong organisasyon. Ang isang kompanya na wala pang 100 trabaho ay karaniwang nangangailangan lamang ng 10 o 12 na pay level.

Ika-3 Hakbang: Ang Pagpaliwanag ng halaga ng mga Trabaho

Pay Rates

Upang lagyan ng dolyar na halaga ang bawat isa sa iyong mga pay level, tingnan ang mga kasalukuyang rate para sa mga katulad na trabaho sa iyong lugar. Makukuha mo ang datos na kailangan mo mula sa sources tulad ng chamber of commerce sa iyong lugar, mga malalaking negosyo sa iyong lugar, o mga organisasyon ng gobyerno. Kung ikaw ay kasali sa isang trade association, maari ring mabigyan ka nila ng standard pay levels para sa iba't-ibang mga trabaho sa iyong industriya. Tandaan na kinakailangang bayaran mo ang iyong mga empleyado nang kahit man lamang minimum na pasahod na itinatag para sa probinsiya.

Kapag pinag-aaralan mo ang pay rates sa iyong lugar, siguraduhing ikinukumpara mo ang mga job description at hindi lamang mga titulo ng trabaho. Ang mga titulo ng trabaho ay maaaring makaligaw at karaniwang may mga pagkakaiba sa paglalarawan ng iba't-ibang organisasyon sa mga magkatulad na trabaho.

Oras na mayroong halimbawa ng pay rates sa iyong lugar, maaari mong kalkulahin ang karaniwang rate para sa bawat trabaho at iligay ito sa isang worksheet.

Halimbawa:

Antas ng Suweldo Posisyon Karaniwang Antas bawa't oras
1 Clerk-Typist $57
2 Stenographer $63
3 Payroll Clerk $68
4 Secretary $72
5 Accounting Clerk $74
6 Computer Operator $81

Ang mga Pay Range

Ayon sa karaniwang pay rate, maaari kang magtatag ng isang midpoint rate at magdibelop ng isang pay range. Karaniwan, ang pinakamababang rate sa isang level ay 85 porsiyento ng midpoint rate, at ang pinakamataas na rate ay 115 porsiyento ng midpoint. Kapag ganito ang kaayusan, maaaring pataasin ng mga bagong empleyado ang kanilang mga suweldo nang 35 porsiyento nang hindi nagpapalit ng trabaho, at binibigyan sila ng mga bonus sa performance kahit na hindi sila na-promote.

Kapag mayroon ka ng pay range para sa bawat posisyon sa iyong organisasyon, ang katapusan ay magiging kahawig ng sumusunod:

Pagitan ng Suweldo Pinakamababa Kalagitnaan Pinakamataas
1 $49 $57 $66
2 $53 $63 $72
3 $58 $68 $78
4 $61 $72 $83
5 $69 $81 $93

Ang ganitong uri ng pagitan ng suweldo ay magpapakita sa iyo kung saan ka maaaring kailangang gumawa ng mga pagbabago upang makamit ang makatarungan at kompetitibong rates para sa iyong mga empleyado.

Sa pangkalahatan, dapat maitugma ng isang plinanong istruktura ng suweldo ang mga indibidwal na suweldo sa performance sa trabaho at sa kontribusyon sa mga layunin ng kompanya. Dapat din ito may sapat na pleksibilidad upang magawan ng paraan ang mga partikular na sitwasyon.

Ika-4 na Hakbang: Isagawa ang Plano

Oras na mayroon kang isang pangkalahatang plano, alamin kung paano ito pamamahalaan upang magkaroon ng mga pagtaas sa mga indibidwal na suweldo. Maari kang gumamit ng ilang mga paraan:

  • Merit increases, ibinibigay upang bigyang karangalan ang performance at kontribusyon
  • Mga pagtaas ng suweldo para sa promotion ng mga empleyado na itinakda sa iba't-ibang mga trabaho sa mga mas mataas na pay level
  • Isang progresibong iskala ng mga suweldo para sa empleyado na nasa mababâ sa minimum na hiring rate o pay level
  • Mga pagtaas ng suweldo para sa mga mas bagong empleyado na probationary pa lamang at na nakakuha na ng kinakailangang skills at karanasan
  • Mga pagtaas ng suweldo dahil sa katagalan sa kompanya
  • Mga pangkalahatang pagtaas, na ibinibigay upang panatilihing kompetitibo ang suweldo.

Ang karamihan sa mga taunang pagtaas ay ginagawa para sa gastos ng pamumuhay, katagalan sa trabaho, o mga dahilan sa employment market. Maaari mong gamitin ang ilan, lahat, o kombinasyon ng mga iba't-ibang paraan sa pagtaas ng suweldo sa iyong negosyo.

Maaari ring maigi ang pagdodokumento ng mga pagtaas ng suweldo at pagtala ng mga dahilan para dito at mahalaga para sa pamamahala sa suweldo.

Ika-5 Hakbang: Ibalita ang Plan sa mga Empleyado

Pagkatapos mong isagawa ang iyong plano sa pamamahala ng suweldo, pag-isipan kung paano ito sasabihin sa mga empleyado. Ang iyong unang priyoridad ay ang gumawa ng isang mahusay na programa pero mahalaga rin ang malinaw at tapat na pagbabalita ng planong iyon sa iyong mga empleyado.

Siguraduhin na nauunawaan ng alinman sa mga supervisor na nagtratrabaho sa iyong negosyo ang plan at maipapaliwanag nila ito sa mga tauhan.

Maigi rin ang rebyuhin ang plan kasama ng lahat ng mga empleyado paminsan-minsan.

Ika-6 na Hakbang: Pagtasa para sa Kagagawan ng mga Empleyado

Ang huling elemento ng plano para sa pamamahala ng suweldo ay ang performance appraisals. Maraming mga empleyado sa Canada ay nasa ilalim ng merit increase pay systems, na nangangailangan ng pana-panahong rebyu ng kung gaano kahusay nila ginagawa ang mga tungkulin na ibinigay sa kanila.

Ang isang mabisang pagtasa para sa kagagawan ng mga empleyado ay:

  • Makakatulong sa pagkamit ng mas mahusay na pakikipag-usap ang mga pamamahala at mga empleyado
  • Makapag ugnay ang suweldo ng empleyado sa kanyang kagagawan sa trabaho
  • Makapagbibigay ng kinikilalang paraan sa pagsusuri ng kagagawan
  • Makakatulong sa mga empleyado sa pag unawa ng kanilang mga responsibilidad at mga inaasahan sa trabaho
  • Makapagbibigay ng mga layon sa trabaho para sa mga empleyado

Ang mga rebyu ng performance ay nakakatulong sa empleyado na siyang inaaseso, pero nakakatulong din ito sa manager na maunawaan ang negosyo. Maaaring ipakita sa manager ng isang bukás na pakikipag-usap ng empleyado at manager kung saan kinakailangang pahusayin ang equipment, ang mga pamamaraan, ang training, o ibang mga factor na maaaring makaapekto sa performance ng empleyado.

Kapag gumagawa ka ng isang appraisal system, maigi ang magdibelop ng isang pormal na proseso. Kabilang sa isang karaniwang pagtatasa ng performance sa trabaho ang:

  • Mga resultang natamo
  • Kagalingan ng performance
  • Dami ng trabaho
  • Pagiging mabisa sa paggawa ng trabaho kasama ng iba
  • Pagiging mabisa sa pakikitungo sa customer, suppliers, atbp.
  • Inisyatibo
  • Karunungan ukol sa trabaho/gawain
  • Pagiging maaasahan

Maari mong gawin ang iyong sariling pormularyo ng pagtatasa ng performance gamit ang mga halimbawa mula sa mga libro ukol sa pamamahala ng tauhan, pero suguraduhin na ang mga pormularyo na gagawin mo ay katugma ng trabaho na nirerebyu mo.

Ang Pag-update sa Plan

Rebyuhin ang iyong pay plan taun-taon at tanungin ang iyong sarili: nakukuha mo ba ang mga empleyado na gusto mo? Ano ang iyong turnover rates? Mukha bang may pagmamalasakit ang mga empleyado sa negosyo? Kapag pinanatili mong up to date ang iyong plan, maaari kang gumawa ng mga pagbabago kung saan kinakailangan at tulungang magtagumpay ang iyong negosyo.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pag-set up ng isang pay system at iba pang mga paksa ng negosyo, kontakin ang Small Business Services / Services aux petites entreprises. Maaaring gamitin ang wikang Ingles o Pranses sa telepono.